Tingin ko meron akong problema. Paano ba naman, hindi ako nawawalan ng problema. Minsan mababaw lamang ang aking problema ngunit dahil sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, lumalaki ito. Gawa ito siguro ng kawalan ng magagawa o kaya naman sadyang gusto ko lamang may problema. Minsan naman may malaki akong problema na hindi ko na lang pinoproblema at sa isang iglap naglalaho na ito parang bula. Ganun din ba sa iyo? Sadya lang ba talaga akong problemado? Naghahanap ng problema? Walang magawa sa buhay?
Hindi naman, kaibigan. Sino ba naman sa atin ang gusto na mayroon laging problema? Ako? Hindi a. Gusto ko rin naman mabuhay ng walang iniisip na solusyon para sa isang problema. Kaso hindi maiwasan. Araw-araw nag-iisip ako. Araw-araw sa aking pag-iisip nakakapagtanto ako. Araw-araw sa aking pagtatanto nalalaman ko na may problema ako. Araw-araw sa aking nalalaman na problema naghahanap ako ng solusyon. Ngunit wala akong makuhang paraan para maresolbahan ang mga ito!
Paulit-ulit lamang sila. Pabalik-balik. Ayaw akong lubayan. Sawa na ako sa kanila pero hanap-hanap talaga nila ako. Paano ba naman, hindi ko kayang lumimot ng problema. Kaya kong isantabi pero hindi ko kayang pabayaan. Dumadami tuloy. Gaya ngayon, wala namang problema pero namomoblema ako.
Teka, meron palang problema. Hindi ko maipaliwanag ng maayos pero meron akong problema. Dahil sa problemang ito, hindi ako nakaktulog ng maaga. Hindi ko naman masabi sa ibang tao dahil hindi ko masabi sa sarili ko kung ano ang problema ko. Basta alam ko meron pero hindi ko dinidikta na biglaan na lamang may problema na ako. Malinaw ba? Nalilito na ako e.
Matutulog na nga lang ako. Hindi ako sinungaling. Pipilitin ko.